
Naniniwala si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na personal ang naging dahilan ng Office of the Solicitor General (OSG) sa pagtanggi na katawanin ang pamahalaan.
Ito’y sa inihain na petisyon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng arestuhin at dalhin siya sa The Hague, Netherlands matapos ang kinahaharap na kaso sa International Criminal Court (ICC).
Sa naging pahayag ni Remulla sa pagdalo nito sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi nito na naghahanda na silang humarap sa Supreme Court.
Ito’y sakaling magkaroon o magtakda ang Korte Suprema ng oral arguments kaugnay ng pag-aresto kay dating Pangulong Duterte kasunod na rin ng pagtanggi ni SolGen Menardo Guevarra.
Aniya, handa silang ipagtanggol ang naging hakbang gobyerno hinggil sa kaso ng dating Pangulong Duterte.
Kaugnay nito, hinamon naman ni Remulla si Atty. Harry Roque na bumalik sa bansa at harapin ang mga reklamo laban sa kaniya sa halip na humingi ng asylum sa Netherlands.