
Tiniyak ng Malacañang na hindi nila pababayaan ang mga naiwang pamilya ng dalawang tripulanteng Pinoy na nasawi sa pag-atake sa Saudi-flagged crude oil tanker na nasa Strait of Hormuz.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, inatasan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang Department of Migrant Workers (DMW) na ibigay ang tulong, benepisyo, at kompensasyon sa pamilya ng nasawing seafarers.
Patuloy aniya ang pag-uupdate ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac kay Pangulong Marcos Jr.
Sinabi rin ni Castro na nagpa-abot ng pakikiramay si PBBM sa mga naiwang pamilya ng dalawang nasawi.
Ayon sa DMW, 16 na Pilipinong tripulante ang sakay ng naturang tanker na ligtas naman matapos ang insidente.
Habang nasa Oman na ngayon ang tinamaang barko at ibinaba na rin ang mga labi ng dalawang Pilipinong nasawi.










