
Pinapurihan ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang inilabas na desisyon ng Commission on Elections o Comelec na nagsasaad ng pagbibigay nito ng exemption sa ilang programa ng ahensya mula sa election spending ban.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, pinasalamatan ng ahensiya ang pagtugon ng Comelec sa exemption, ibig sabihin umano na mandato ng DSWD sa mga mahihirap na kababayan ang tuloy-tuloy na tulong kahit na may election ban.
Batay sa inilabas na memorandum ng Comelec, nakasaad dito ang pag-apruba sa kahilingan ng DSWD na ma-exempt ang ilang mga programa ng ahensya base sa Section 261 (v)(2) ng Omnibus Election Code (OEC).
Matatandaan na ito ang ikalawang kahilingan ng DSWD na inaprubahan ng Comelec kung saan ang unang request nito ay ang exemption ng may 28 Social Welfare Programs mula sa poll spending ban, ito ay inaprubahan ng Comelec noong nakaraang January 8.
Samantala, sinabi naman ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na nakahanda ang ahensya na sundin ang lahat ng terms at recommendation ng Comelec kabilang na rito ang pinakabagong memorandum nito kung saan nakasaad na ang Ayuda sa Kapos ang Kita o AKAP, Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, at Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS ay pansamantalang ititigil mula May 2 hanggang May 12, maliban sa mga indibidwal na nangangailangan ng tulong medikal at burial assistance.