DOJ, hindi na hihintayin pa ang buong affidavit ng mga Discaya

Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na hindi na nila hihintayin ang “tell-all” affidavit ng mga Discaya.

Ito’y para makapagsampa na ng mga kaukulang reklamo ang DOJ laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control project.

Nabatid na kinumpirma ni DOJ Officer-in-Charge Frederick Vida na wala pang naisusumite ang mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya ng “tell-all” affidavit na umano’y naglalaman ng mga detalye tungkol sa utak ng korapsyon at sa umano’y maanomalyang flood control project.

Iginiit ni Vida na sa kabila ng ilang beses na pagtungo ng mag-asawang Discaya sa DOJ, hindi pa rin umano sila kuntento sa mga testimonya na isinumite ng mga ito.

Ayon pa kay Vida, hindi na nila hihintayin ang “tell-all” affidavit kahit pa ng mga dating opisyal ng DPWH bago magsampa ng kaso sa mga susunod na linggo.

Pinag-aaralan na ngayon ng DOJ kung ang mga pahayag ng mag-asawang Discaya at iba pa ay buo o pili lamang ang kanilang mga pinapangalanan.

Una nang kinumpirma ng DOJ na provisionally accepted na sa Witness Protection Program ang mag-asawang Discaya kasama ang dating opisyal ng DPWH pero patuloy pa ang pagsusuri para sa kanilang posibleng pagsasailalim bilang state witness.

Facebook Comments