Libreng libing para sa mahihirap, ganap nang batas

Libre na ang libing para sa mga mahihirap matapos maging ganap na batas ang Republic Act No. 12309 o Free Funeral Services Act.

Sa ilalim ng bagong batas, ang mga pamilyang itinuturing na “in crisis situation,” kabilang ang mga indigent at biktima ng kalamidad, ay maaaring makakuha ng libreng funeral service sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sasagutin ng gobyerno ang lahat ng gastusin, mula sa pagproseso ng mga papeles, embalsamo, cremation o inurnment, hanggang sa kabaong o urn.

Bago ito maisabatas, nagbibigay lamang ang DSWD ng ₱5,000 hanggang ₱50,000 na tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.

Para makakuha ng libreng libing, kailangang magsumite ng death certificate, valid ID, funeral contract, at social case study report mula sa social worker.

Ang DSWD ang direktang magbabayad sa mga accredited funeral homes.

Samantala, maaaring makulong ng hanggang anim na buwan at pagmultahin ng hanggang ₱500,000 ang mga magpapalsipika ng dokumento o aabusuhin ang programa.

Facebook Comments