Thursday, September 10, 2026

DOJ, iginiit na walang selective justice sa mga ginagawa nilang pagsasampa ng kaso

Itinanggi ni Justice Secretary Fredderick Vida ang alegasyon na may selective justice na ginagawa ang Department of Justice (DOJ).

Sa presscon ni Vida, sinabi nito na hindi pinipili ng DOJ kung sino ang kakasuhan dahil nakabatay ang aksyon ng mga prosecutor sa batas at ebidensyang nakikita sa bawat kaso.

Binigyang-diin din niya na kasama sa responsibilidad ng DOJ ang tiyaking nasusunod ang proseso at napoprotektahan ang karapatan ng mga inaakusahan.

Kabilang sa mga binanggit niyang halimbawa ay ang kaso ni Vice President Sara Duterte at iba pang mga hakbang laban sa ilan matataas na opisyal na may kinakaharap na reklamo.

Giit ng kalihim, hindi personalidad kundi ebidensya ang dapat maging batayan ng prosecution at ginagawa nila ito nang naaayon sa batas.

Sa pahayag naman ni VP Sara hinggil sa pagkawala ng tiwala nito sa korte, naiintindihan ni Vida ang nararamdaman ng pangalawang pangulo pero muli niyang sinabi na sinusunod lamang nila ang mga nakasaad sa batas at naniniwala siya na dapat lamang itong ipatupad.

Facebook Comments