
Sinisiguro ng Department of Justice (DOJ) na mananagot sa batas ang isang Chinese spy na naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Gayundin ang dalawang Pilipino na kasama nito na mga nagsilbing driver at assistant ng nasabing espiya.
Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, pinatutukan niya sa prosecution ang kaso at inatasan na gawin ang lahat ng hakbang nang naayon sa batas para mapanagot ang mga suspek na sina Yuanqing Deng na isang software engineer at dalawang kasabwat na sina Ronel Jojo Balundo Besa at Jayson Amado Fernandez.
Aniya, kapag ang soberanya ng bansa ang nalagay sa alanganin gayundin ang kapakanan ng bawat Pilipino, nararapat lamang na maparusahan ang mga ito.
Matatandaan na ipinirisinta ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga suspek kabilang ang mga kagamitan nito na kayang kumolekta ng data at bumuo ng mga 3D mas ng mga lugar at building kahit na hindi napapasok.
Kabilang sa mga naikutan ng tatlo ang ilang military bases at EDCA sites sa bansa.