
Inamin ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na wala silang listahan ng mga pangalan ng mga minimum wage at below minimum wage earners na siyang benepisyaryo ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos, sinabi ni DOLE Usec. Benjo Santos Benavidez na wala silang pangalan ng mga benepisyaryo at ang datos na meron sila ay bilang lang ng mga minimum wage earner.
Katwiran ni Benavidez, mayroon namang proseso para malaman kung sino-sino ang mga mas mababa pa sa minimum wage earners sa mga kumpanya at isa na rito ang ginawang survey ng Philippine StatisticsT Authority (PSA) kung saan nasa 5 milyon ang naitalang minimum wage na mga empleyado subalit malayo ito sa record ng employers association na nasa 2 milyon naman ang naitalang mga minimum wage earner.
Maging si DSWD Usec. Aliah Dimaporo ay aminadong walang listahan ang ahensya ng mga benepisyaryo at kasalukuyan pa silang nakikipagtulungan sa DOLE para i-publish ang regional offices and regional tripartite and productivity boards.
Giit dito ni Sen. Marcos, maliwanag na walang listahan ang DOLE at ang DSWD ng mga pangalan ng mga benepisyaryo ng AKAP at kasabay nito ay kinwestyon ng senadora ang malabong basehan sa pamamahagi ng ayuda nang simulan ang roll out ng programa noong nakaraang taon.