DOST-PAGASA, NAGBABALA SA POSIBLENG MAS MATINDING EL NIÑO SA MGA SUSUNOD NA BUWAN

‎Nagbabala ang DOST-PAGASA sa posibleng mas matinding El Niño sa mga susunod na buwan.
‎

‎Ayon sa DOST-PAGASA, posibleng lumakas ang kasalukuyang Strong El Niño sa Tropical Pacific at maging Very Strong El Niño sa pagitan ng Setyembre at Disyembre 2026. Maaari itong magpatuloy hanggang sa first half ng 2027.
‎

‎Sa Pilipinas, maaaring magdulot ang naturang kondisyon ng mas maiinit na temperatura at mas mababang dami ng ulan, na magpapataas sa panganib ng dry spells at tagtuyot.
‎

‎Maaaring maapektuhan ng matagal na pagkatuyo ang agrikultura, seguridad sa pagkain, suplay ng tubig, enerhiya, kalusugan ng publiko at ekonomiya.
‎

‎Gayunman, nilinaw ng DOST-PAGASA na hindi nangangahulugang tuluyang mawawala ang ulan dahil sa El Niño.
‎

‎Maaari pa ring magkaroon ng panandaliang malalakas na pag-ulan dahil sa Southwest Monsoon o Habagat at mga aktibong tropical cyclone, partikular sa mga kanlurang bahagi ng bansa.
‎

‎Kabilang dito ang mga lugar tulad ng Dagupan City at ilang bahagi ng Pangasinan na nakararanas ng biglaang malalakas na pag-ulan matapos ang maalinsangang panahon.
‎

‎Kanya-kanya munang dala ng panangga sa mainit na panahon sa araw at pag-uulan sa hapon ang dinadala ng mga komyuters at estudyante upang hindi magkasakit sa naranasang pagbabago sa panahon.
‎

‎Samantala, hinihikayat ang publiko na maging handa sa posibilidad ng matagal na panahon ng pagkatuyo, habang nananatiling mapagmatyag sa mga yugto ng malakas na pag-ulan.
‎

‎Binibigyang-diin ng DOST-PAGASA ang kahalagahan ng paghahanda sa mga posibleng epekto ng matagal na tagtuyot, lalo na sa agrikultura, suplay ng tubig at enerhiya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments