Nagpahayag ng kani-kanilang reaksyon ang ilang Pangasinense na gumagamit ng Discord kasunod ng naging usapin sa pansamantalang pag-restrict sa messaging application.
Para sa estudyante at artist na si Ramyi, hindi lamang ang pagbabawal sa online applications ang dapat ikonsiderang solusyon upang maiwasan ang pagkakasangkot ng mga menor de edad sa karahasan.
Ayon sa kanya, mahalagang tingnan din ang iba pang salik na maaaring nakaaapekto sa pagkakasangkot ng mga kabataan sa violent incidents.
Samantala, sinabi ng digital artist na si Darci na malaking kawalan sa kanya kung tuluyang ipagbabawal ang Discord dahil ginagamit niya ang application sa pakikipag-ugnayan sa kanyang mga kliyente bilang bahagi ng kanyang trabaho.
Binigyang-diin din na dapat maging responsable umano ang mga nakatatanda sa pag-iingat ng kanilang mga armas upang hindi agad ito maging accessible sa mga batang kasama sa bahay.
Matatandaang binigyan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC ang Reddit at Discord ng 24 oras upang magtalaga ng resident agent o local representative at magtatag ng presensya sa Pilipinas.
Kaugnay ito ng concerns ng CICC sa online sexual abuse and exploitation of children, child sexual abuse and exploitation materials, at nihilistic violent extremism, lalo na matapos ang mga insidente ng school shooting.
Nabigyan ng extension ang Reddit habang pansamantalang na-restrict naman ang Discord.
Gayunman, kinumpirma ni CICC Executive Director Usec. Renato Paraiso na inalis na ang restriction sa Discord matapos tumalima ang kumpanya sa mga hinihingi ng pamahalaan, kabilang ang pagtatayo ng kanilang local headquarters sa Pilipinas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






