PAGBEBENTA NG MGA PAROL SA DAGUPAN CITY, NAGSIMULA NA MATAPOS MAANTALA DAHIL SA BAHA

‎Hindi umano nakapagbukas ng maaga noong Agosto ang mga nagbebenta ng parol sa Brgy. Caranglaan, Dagupan City dahil sa naranasang baha.
‎

‎Ayon kay Feliciano Meneses, mahigit isang dekada na siyang nagbebenta ng mga parol. Aniya, kinailangan muna nilang tiyaking ligtas ang kanilang mga paninda at hintaying humupa ang baha bago sila tuluyang nakapagbukas.
‎
‎
‎Ngayong Setyembre, unti-unti nang inilalatag ng mga manlalako ang iba’t ibang makukulay na palamuti para sa nalalapit na Pasko.
‎

‎Umaabot naman sa P800 hanggang P6,000 ang presyo ng mga parol, depende sa laki at disenyo. Karamihan sa mga paninda ay ibinabyahe pa mula Pampanga, habang may ilan ding gumagawa at nagkukumpuni ng mga parol.
‎

‎Ayon sa mga nagtitinda, karaniwang lumalakas ang bentahan matapos ang Undas, kasabay ng pagdami ng mga naglalako ng mga palamuti para sa Pasko.
‎
‎
Hinikayat naman nila ang mga mamimili na maagang bumili at maghanda, dahil inaasahang tataas ang presyo ng mga parol pagsapit ng Nobyembre at Disyembre.
‎
‎
‎Bagama’t naantala ang pagbubukas ng kanilang mga puwesto dahil sa baha, umaasa ang mga manlalako na makababawi sila sa benta sa mga susunod na araw habang papalapit ang kapaskuhan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments