DOTr at DBM, pinayuhang mag-realign ng pondo para maipagpatuloy ang libreng sakay hanggang sa Disyembre

53

Iminungkahi ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte sa Department of Transportation (DOTr) at sa Department of Budget and Management (DBM) na mag-realign ng pondo para matiyak ang operasyon ng Libreng Sakay program.

Kamakailan ay pinalawig pa hanggang sa katapusan ng taon ang libreng sakay sa commuters sa EDSA Carousel Busway habang mula August 22 hanggang November 4 naman ang libreng sakay ng mga mag-aaral sa Metro Rail Transit (MRT-3), Light Railway Train (LRT-2) at Philippine National Railway (PNR).

Magkagayunman, mangangailangan ng P1.4 billion na pondo ang DOTr para matiyak ang implementasyon ng Libreng Sakay hanggang sa Disyembre pero wala nang pondo ang ahensya para dito.


Kinalampag ni Villafuerte ang DOTr at DBM na humanap ng paraan na maipagpatuloy ang operasyon ng Libreng Sakay lalo pa’t ito ang isa sa mga unang iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa unang araw ng kaniyang pag-upo bilang presidente ng bansa.

Iminungkahi ng mambabatas kina Transportation Secretary Jaime Bautista at Budget Secretary Amenah Pangandaman na maglipat o mag-realign ng pondo mula sa mga tanggapan at programang hindi masyadong napapakinabangan ng taumbayan.

Giit ng kongresista, ito na lamang ang pinakatulong na magagawa ng administrasyon para sa mga mahihirap at commuters na may mababang kita lalo pa’t matindi ang pagtaas ng presyo ng langis at inflation rate sa bansa na sinabayan pa ng dagdag pasahe sa pampublikong transportasyon.



Facebook Comments