DOTr, nanawagan sa mga operator at transport group na huwag na ituloy ang taas-pasahe kasunod ng inaasahang pag-a-activate sa fuel subsidy na aabot sa P25-B

Nanawagan si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa lahat ng operator at transport group na huwag na ituloy ang petisyon sa taas pisong pasahe sa mga jeepney.

Ito’y dahil sa inaasahang pagpalo sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil pa rin sa nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, i-a-activate na ng DOTr ang fuel subsidy para sa mga Public Utility Vehicle.

Nakakuha na umano kasi sila ng certification at clearance sa Department of Energy (DOE) at inatasan na rin aniya ang LTFRB na agad ipamahagi ito sa mga PUV.

Nakiusap rin si Dizon na huwag nang ituloy ang mga rally na posibleng isagawa ng mga transport group dahil ginagawa na umano ng ahensya ang lahat para hindi maapektuhan ang kita ng mga driver ng PUVs.

Kasunod nito, nangako naman si Dizon na hindi magkakaroon ng taas pasahe sa pampublikong transportasyon kahit pa papalo sa halos P5 ang taas presyo sa kada litro ng langis.

Facebook Comments