
Nakipag-ugnayan na ang Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) sa mga intelligence agencies kaugnay sa intelligence report na may banta sa seguridad ng Senado.
Nagtungo dito sa Senado si OSAA PMGen. Alfred Corpus para personal na i-monitor ang sitwasyon sa loob ng Senado.
Ayon kay Corpus, nakipag-coordinate na siya sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa pamamagitan ng liham.
Naghihintay na lamang siya ng feedback ukol sa intel na may banta.
Pinapa-verify ni Corpus at pinapa-validate ang impormasyon mula kay NBI Director Melvin Matibag na ibinahagi nito sa mga senador noong Lunes na may armadong grupo ang gustong pumasok at manggulo sa Senado.
Gayundin ay pinapa-validate ang impormasyon kung may koneksyon sa 18 ex-bodyguards ni dating Cong. Elizaldy Co ang naturang banta sa seguridad.
Ngayong araw at bukas ay naka-work-from-home ang mga empleyado sa mataas na kapulungan matapos magbaba ng direktiba si acting Senate President Sherwin Gatchalian dahil sa security threat sa Senado.










