Apektado umano ang kita ng ilang canteen vendors sa Mangaldan National High School (MNHS) dahil sa biglaang pagpapatupad ng half-day classes bunsod ng matinding init ng panahon na iniuugnay sa El Niño.
Hirap ngayon sa pagtatantiya ng dami ng kanilang mga ihahandang pagkain ang mga canteen vendors dahil hindi umano tiyak kung matatapos sa regular na oras ang klase ng mga mag-aaral kung sakaling lalong umanit ang panahon.
Bunsod ito ng Executive Order No. 130, s. 2026, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Oktubre 28, 2026, na nagbibigay-daan sa mga paaralan na magkansela o magpaikli ng oras ng klase depende sa umiiral na kondisyon ng panahon.
Dahil sa biglaang pagbabago ng iskedyul, may mga pagkain umanong naiiwan at hindi naibebenta ng mga vendor, gayong nakalaan ang mga ito para sa buong araw na pasok ng mga estudyante.
Ayon sa ilang nagtitinda, hindi na nila maaaring ibenta kinabukasan ang mga natirang pagkain dahil sa posibilidad na masira ang mga ito.
Kaya naman, sa halip na itapon, ipinamimigay na lamang nila ang mga ito sa mga estudyante o kaya naman ay sa kanilang mga kapitbahay. Isa sa mga vendor na nakararanas nito si Ruby Nares.
Dagdag pa niya, wala silang magagawa kundi sumunod sa mga pagbabago sa iskedyul ng klase dahil nakabatay ang desisyon sa aktuwal na kondisyon ng panahon at sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Dahil dito, pinag-iisipan na ng mga canteen vendors na bawasan at mas maingat na tantiyahin ang dami ng kanilang ihahandang pagkain upang maiwasan ang pagkalugi sakaling magkaroon muli ng biglaang pagpapaikli o pagkansela ng klase.
Sa kabila nito, umaasa ang mga vendor na magiging maayos ang kanilang diskarte sa pagtitinda habang patuloy na naaapektuhan ng matinding init ng panahon ang normal na operasyon ng mga paaralan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










