Isinusulong ng Dagupan City Police Office o DCPO at Bureau of Fire Protection o BFP ang pagtatalaga ng iisang lugar para sa pagbebenta ng mga legal na paputok at pyrotechnic devices sa lungsod ng Dagupan.
Ito ang isa sa mga mungkahing inilahad sa isinagawang committee hearing ng Sangguniang Panlungsod noong Nobyembre 4 kaugnay ng Draft Ordinance No. 066, Series of 2026, na naglalayong amyendahan ang City Ordinance No. 2363.
Sa ilalim ng panukalang ordinansa, paiigtingin ang pagbabawal sa ilegal na paggawa at pagmamay-ari ng mga paputok at pampasabog, gayundin ang regulasyon sa pagbebenta ng mga ito.
Ayon kay PCOL Arnold Solomon, City Director ng DCPO, mas mainam na magkaroon ng isang itinalagang lugar para sa bentahan upang mas madaling masubaybayan at mabantayan ng mga awtoridad.
Gayunman, pinag-aaralan pa ang magiging lokasyon nito.
Samantala, iminungkahi naman ng BFP ang pagtatakda ng 300-meter radius na distansiya mula sa mga kabahayan at mga establisimyentong madaling masunog bilang lugar na maaaring pagdausan ng pagbebenta ng mga paputok.
Ayon kay City Fire Marshal Fire Chief Inspector Michael Samera, tatlong general merchandise ang nag-apply ng business permit at pinahihintulutang magbenta ng mga paputok. Gayunman, kinakailangan pa rin nilang sumunod sa itatakdang lugar para sa bentahan.
Layunin ng mga panukalang ito na mapigilan ang pag-uulit ng mga kahalintulad na insidenteng naitala noong nakaraang taon at matiyak ang kaligtasan ng publiko sa nalalapit na pagdiriwang ng Bagong Taon.
Inaasahang muling tatalakayin ang panukalang ordinansa sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod sa darating na Lunes, Nobyembre 9. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










