Driver ng rumaragasang sasakyan na nakabundol ng traffic enforcer sa Sta. Maria, Bulacan, sinuspinde ng LTO sa loob ng 90 days

Pinatawan ng Land Transportation Office ng 90 days suspension ang driver ng Toyota Avanza na nakabundol sa isang traffic enforcer habang nasa akto ng pagtatrapik sa Bagbaguin via Paso Road sa Sta. Maria, Bulacan.

Bagama’t hindi nakadalo sa pagdinig ng Intelligence and Investigation Division ng Land Transportation Office (LTO) ang driver na si Philip Baynito na nakadetine sa Sta. Maria Police Station, nagpadala ito ng sagot hinggil sa pangyayari.

Sa kaniyang paliwanag, inamin ng driver na nakatulog ito kaya nabundol niya ang traffic enforcer na si CJ Oliver Garcia.


Isinailalim din ng LTO sa drug test ang driver pero nagnegatibo ang resulta nito.

Ayon kay LTO Intelligence and Investigation Division head Renante Melitante, ang ipinataw nilang suspension ay habang iniimbestigahan pa ng LTO ang administrative na kaso laban sa mga sangkot sa aksidente.

Maaari rin aniyang mapatawan ng revocation of license ang driver ng Toyota Avanza.

Sinilbihan din ng show cause order ang may-ari ng sangkot na sasakyan ngunit sa ngayon ay hindi pa ito nahahagilap.

Facebook Comments