
Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng apektadong indibidwal ng Hanging Habagat, na mas pinalakas pa ng mga nagdaang bagyo, sa 11 rehiyon sa bansa.
Base sa talaan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD – Disaster Response Management as of 6pm noong Martes, Sept. 1, umabot na sa mahigit 9-million ang bilang ng indibidwal na apektado ng nasabing mga sakuna.
Mula ito sa mahigit 6-K na barangay sa National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Eastern at Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Sa ngayon, bukas naman ang 968 evacuation centers sa nasabing mga rehiyon; kung saan pansamantalang namamalagi ang mahigit 71-K evacuess; habang mahigit 63-K indibidwal naman ang nasa labas ng evacuation centers at pansamantalang nakikituloy sa mga kakilala, kaanak, at kabigan.
Samantala, umabot naman na sa halos P1.68-billion ang halaga ng humanitarian assistance na naipamahagi ng ahensya sa mga apektadong pamilya, at magtutuloy-tuloy pa ito gamit ang P5.63 billion na available resources ng ahensya.










