DSWD, tiniyak na may sapat na pondo para sa mga darating na kalamidad o sakuna sa bansa

60

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mayroon pang sapat na pondo ang kanilang ahensiya para sa mga darating na kalamidad o sakuna sa bansa.

Ito ang inihayag ng DSWD sa harap ng patuloy nilang pag-alalay at pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga biktima ng pananalasa ng Bagyong Florita.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, sa ngayon ay mayroon pang P1.7 bilyong standby fund at quick response fund ang kanilang kagawaran na magagamit sa mga susunod na araw.


Kasunod nito, iginiit ni Lopez na sakaling maubos ang naturang pondo ay maaari silang humingi sa Department of Budget and Management (DBM) upang mapalitan ito.

Sa kabuuan, pumalo na sa P7.2 million ang naibigay ng DSWD bilang humanitarian assistance sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Florita mula sa Region I, Region II, Region III, Calabarzon, National Capital Region (NCR) at Cordillera Administrative Region (CAR).

Facebook Comments