Thursday, June 18, 2026

EARTHQUAKE DRILL SA MGA PAARALAN, NAKATUON SA PAGHAHANDA SA SAKUNA—SDO 1 PANGASINAN

Nilinaw ng Schools Division Office (SDO) 1 Pangasinan Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) na ang earthquake drill ay dapat isagawa na nakatuon sa aktwal na paghahanda at hindi sa mahabang programa, lecture, o photo opportunity na nakakaantala sa klase.

Ito ay matapos maglabas ng advisory ang opisina kaugnay sa ikalawang quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED), kung saan binigyang-diin na ang aktibidad ay hindi dapat makaistorbo sa instructional time ng mga mag-aaral.

Ayon sa gabay, ang drill ay dapat isagawa bilang bahagi ng disaster risk reduction at hindi dapat gawing ceremonial o mahaba.

Dapat umano itong nakatuon sa aktwal na pagsasanay ng “Duck, Cover, and Hold,” maayos na evacuation, at accounting ng mga estudyante at personnel.

Binigyang-diin din na mahalaga ang tunay na partisipasyon ng mga mag-aaral at personnel, at hindi ito dapat gawing simpleng anunsyo o dokumentasyon lamang. Pinapayagan din ang limitadong pag-aadjust sa oras ng drill depende sa sitwasyon ng paaralan, basta’t hindi mawawala ang layunin ng paghahanda sa lindol.

Dagdag pa ng SDO 1 Pangasinan DRRMS, dapat matiyak ang kaligtasan, inclusivity, at tamang suporta sa mga estudyanteng may espesyal na pangangailangan sa buong proseso ng drill. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments