
Ikinakasa na ng House Committee on Public Order and Safety ang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng mga estudyanteng basketbolista ng Ateneo de Manila University na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Ayon sa chairman ng komite na si Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, pangunahing sisilipin sa pagdinig kung nagkaroon ng paglabag sa Anti-Hazing Act na nagresulta sa pagkasawi nina Baterbonia at Adili.
Paliwanag ni Valeriano, ang paglalantad sa dalawang atleta sa masamang sitwasyon dahil sa lagay ng panahon at pwersahang pisikal na aktibidad ay maaring pasok sa mga elemento ng hazing.
Binanggit ni Valeriano na titingnan din nila ang posibleng paglabag sa Student-Athletes Protection Act.
Kaugnay nito ay hiniling ni Valeriano kay Philippine National Polilce (PNP) Chief Jose Melencio Nartatez Jr. na ipag-utos ang buong administrative review ukol sa mga naging hakbang sa insidente ng local police at first responders.
Pinapatiyak din ni Valeriano ang pagpreserba sa lahat ng ebidensya at records.










