
Pinaiimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros ang posibleng pagpapalayas o pag-alis ng mga komunidad sa Tarlac sa lugar na pagtatayuan ng Pax Silica Industrial Hub.
Nababahala ang senadora sa posibleng relokasyon ng mga Aeta at farming communities sa 4,000 ektaryang lupain na pagtatayuan ng Pax Silica site, kung saan marami nang advocacy groups ang nagbabala sa pagkawala ng hanapbuhay at tahanan sa loob at labas ng project area.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 563 na inihain ni Hontiveros, tinukoy ang pangangailangang ma-assess ang komunidad, gayundin ang regional at economic impact ng Pax Silica Initiative at ng lahat ng affiliated projects.
Nais ding malaman kung ang naturang inisyatiba ay tunay ngang magbubunga ng positibong epekto sa pang-ekonomiyang interes ng mga Pilipino sa parehong macro at grassroots level.
Idiniin ni Hontiveros na kailangang masuri muna ng gobyerno kung ang Pax Silica at ang iba pang affiliated projects nito ay maghahatid ng mga pangakong mag-aangat sa mga komunidad o maglalagay sa kabuhayan ng mga Pilipino sa alanganin.
Dagdag pa ng mambabatas, sa kabila ng projection ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na ang Pax Silica ay lilikha ng 190,000 direct jobs at 800,000 indirect at induced jobs, nagpaalala si Hontiveros na ang mga Pilipinong maaaring ma-hire para sa pagde-develop at pagsasanay ng AI systems ay maaari ring ma-displace sa kanilang trabaho dahil sa parehong teknolohiya.










