
Inamin ng Malacañang na ang Office of the President (OP) ang gumastos para sa lear jet na sinakyan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte patungong The Hague, Netherlands noong arestuhin ito nitong Martes.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, kasama ito sa assistance o tulong na hiningi sa kanila ng Interpol para ipatupad ang arrest warrant.
Paliwanag ni Castro, kung hindi nagbigay ng masasakyan ang pamahalaan patungong The Hague ay hindi makukumpleto ang pagtugon ng gobyerno sa commitment sa International Criminal Police Organization (Interpol).
Samantala, wala namang sinabi ni Castro kung magkano ang kabuuang halaga na ginastos para sa naturang jet, dahil pag-aari ito ng pribadong korporasyon.
Nauna nang kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ang Office of the President ang nagbigay ng masasakyan sa paghatid sa The Hague sa dating pangulo.