PBBM, walang planong mag-loyalty check sa PNP at AFP

Walang plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magsagawa ng loyalty check sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Sa gitna ito ng mga kumakalat sa social media na maraming sundalo at pulis ang nagbibitiw at galit sa kasalukuang administrasyon dahil sa pagkakaaresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, kampante si Pangulong Marcos sa mga naging aksyon ng gobyerno na ipa-aresto ang dating pangulo dahil ginawa lang nito kung ano ang naaayon sa batas


Mismong si PNP Spokesperson Jean Fajardo na rin aniya ang nagsabi na hindi totoo ang mga ulat na maraming pulis ang nag-resign.

Babala ni Castro, maraming nagkakalat sa social media ng ibat ibang mga kwento na wala namang katotohanan para lumaki ang simpatya kay dating Pangulong Duterte.

Gayunpaman, kailangan aniyang manindigan sa kung ano ang katotohanan at sa usapin ng extra judicial killings noong nakaraang administrasyon.

Giit ni Castro, may mga naging biktima ang war on drugs at ang mga reklamo sa International Criminal Court (ICC) ay noon pang 2017 isinampa na hindi pa panahon ng panungkulan ni Pangulong Marcos.

Facebook Comments