
Hinamon ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers si dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque na bumalik sa Pilipinas upang harapin ang kanyang mga kaso at huwag ng magbigay pa ng kung anu-anong rason.
Mensahe ito ni Barbers kasunod ng pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ibinasura ang hirit ni Roque na asylum sa Austria.
Si Roque ay ini-uugnay sa human trafficking case na kinasasangkutan ng Lucky South 99 offshore gaming hub sa Porac, Pampanga na kasama sa mga inimbestigahan ng House Quad Committee sa ilalim ng pamumuno ni Barbers.
Pinaalala ni Barbers kay Roque ang hindi nito pagtupad sa pangakong magsusumite ng mga kaukulang dokumento sa Quad Committee sa ilalim ng 19th Congress.
Binanggit din ni Barbers ang ginawang pag-insulto ni Roque sa quad committee na tinawag nitong “kangaroo court” sa halip na sagutin ang mga tanong kung may kinalaman ito sa Phillipine Offshore Gaming Operators o POGO.










