FARE MATRIX SA DAGUPAN CITY, SINUSUNOD PA RIN NG TRICYCLE DRIVERS SA KABILA NG KRISIS

Kasunod ng aprobado at nilagdaang fare matrix ng Sangguniang Panglungsod ng Dagupan, alamin natin ang pagtalima ng mga TODA gayong malaking hamon ang krisis sa kanilang kabuhayan, dahil sa pagsirit sa presyo ng produktong petrolyo at mga bilihin.

Sa pag-iikot ng IFM News Dagupan, tiniyak ng ilang tricycle drivers na patuloy nilang sinusunod ang ipinatutupad na fare matrix bilang pagtalima sa ordinansa ng lungsod.

Ayon kay SMX TODA Vice President Felmando Cayabyab, bagama’t hirap din ang mga driver sa taas-presyo, mahalaga pa ring pairalin ang konsiderasyon at pag-unawa sa pagitan ng driver at pasahero.

Samantala, aminado naman ang ilang commuter na may mga pagkakataong hindi nasusunod ang tamang pasahe, bagay na nagiging dagdag hamon lalo na sa mga estudyanteng limitado ang budget sa araw-araw na pagkokomyut.

Gayunpaman, naiintindihan din umano ng ilang pasahero ang dagdag singil sa gabi o special trip lalo na kung kakaunti na lamang ang bumibiyahe.

Sa kabila ng iba’t ibang pananaw ukol sa pasahe, nananatiling mahalaga ang patas na paniningil at pag-uunawaan ng parehong driver at pasahero sa gitna ng patuloy na hamon sa ekonomiya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments