Muling nagkaisa ang 101st Maneuver Company (101stMC) at mga katuwang nitong organisasyon sa isinagawang Sugod Bahay outreach program para sa isang pamilyang nangangailangan sa Barangay Araniw, Laoag City, Ilocos Norte.
Bahagi ng aktibidad ang pamilya ni Tatay Amiel V. Escalante at ang kanyang mga apo, na tumanggap ng iba’t ibang uri ng tulong mula sa mga katuwang sa programa, kabilang ang Liga ng mga Barangay–Laoag City at HelpTheKids.
Ipinamahagi sa pamilya ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng groceries, school supplies at hygiene kits, bilang tugon sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon sa 101stMC, higit pa sa mga materyal na tulong ang layunin ng programa, dahil nais nitong maipadama sa mga benepisyaryo ang malasakit, pagmamahal at pag-asa sa gitna ng mga pagsubok sa buhay.
Binigyang-diin din ng grupo na sa harap ng mga hamon ng buhay, mahalagang walang sinuman ang makaramdam na sila ay nag-iisa. Sa pamamagitan umano ng pagtutulungan ng iba’t ibang grupo at sektor, mas maraming pamilya ang maaaring maabot at matulungan.
Patuloy namang isinusulong ng 101stMC at ng mga stakeholder nito ang pagtutulungan sa mga programang pangkomunidad bilang bahagi ng kanilang layuning maghatid ng serbisyong mabilis, tapat at nararamdaman ng mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣













