
Tiniyak ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na sisilipin din nila ang financial records ng Peanut Gallery Media Network (PGMN) ni Franco Mabanta.
Ayon kay Matibag, may sinusundan na silang pattern lalo na’t wala naman aniyang commercial o advertisers ang nasabing online media network pero lumalabas na malaki ang expenses nito.
Nagbanta rin si Matibag na sisilipin nila ang income tax return (ITR) ng Peanut Gallery Media Network.
Tiniyak din ng bureau na isasailalim nila sa forensic examination ang mga nakuhang gadgets sa grupo para sa posibleng paglabag sa Cybercrime Prevention Act.
Nanindigan din ang NBI chief na marami silang mga ebidensya na magpapatunay sa aniya’y pangingikil ng grupo ni Mabanta sa ilang personalidad.
Una nang iginiit ng grupo ni Mabanta na set up ang ginawa sa kanila at wala silang ginagawang extortion operations.










