
Kinumpirma ng Palasyo na pag-aaralan ngayon ng pamahalaan ang flood control master plan na binuo sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ito ay kasunod ng pahayag kahapon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matagal nang may master plan ang gobyerno kontra baha pero hindi naipapatupad.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na titingnan ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang master plan ng Aquino administration sa ilalim ni dating Secretary Rogelio Singson.
Bukod dito, kailangan aniyang matukoy at matugunan ang mga problema sa mga daluyan ng tubig para maging epektibo ang mga proyekto kontra baha.
Tiniyak naman ni Castro na ipapaalam sa publiko ang nilalaman ng national flood control master plan para maipakita ang hakbang at plano laban sa climate change at mga pagbaha.
Iginiit pa ng Palasyo na kailangang magkaroon ng political will para matupad ang mga hakbang at hindi na magkaroon pa ng mga delay.
Ipinauubaya naman ni Castro kay DPWH Secretary Vince Dizon ang iba pang detalye kaugnay sa plano at kung sino ang iba pang kukuning mga eskperto para tumulong.










