Saturday, August 29, 2026

SUV ng MMDA, pinagpapaliwanag ng LTO dahil sa EDSA busway violation at hindi tugmang plaka

Naglabas ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at sa driver nito matapos makita sa isang video na inupload sa social media page na may pangalan na “Camote Club PH” na dumadaan ito sa EDSA Busway.

Sa naturang video, nakita ang isang SUV na may government enforcement markings na MMDA na gumagamit ng plakang hindi tugma sa sasakyang nakarehistro dahilan para magsagawa ng imbestigasyon ang LTO rito.

Pinahaharap ng LTO ang naturang ahensya at itinalagang driver sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa September 4 para sa pagdinig at pagsumite ng sinumpaang paliwanag, kasama ang mga dokumentong maaaring sumuporta sa kanilang panig.

Kaugnay nito, kailangan namang isuko ng driver ang kanyang lisensya harang nagpapatuloy ang imbestigasyon, habang inilagay na rin sa alarma at pinaiimpound ang sasakyan na ginamit nito.

Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang MMDA dito, habang sa social media post naman ni GM Nicolas Torre III, kinumpirma nito na official MMDA Patrol Vehicle na ginagamit nya ito at naka-official duty sya noong mga panahon na iyon.

Gayunpaman, naniniwala ito na tama na lang na sila ay bantayan, at panagutin kung sila man ay may paglabag.

Facebook Comments