
Isinulong ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima na maging “forever” ang mga prepaid load credits.
Nakapaloob ito sa inihain ni De Lima na House Bill 9903 o panukalang Prepaid Load Forever Act na nagbabawal sa lahat ng public telecommunications entities at providers na magpatupad ng expiration period sa mga prepaid load credits.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbabawal na bawiin o kumpiskahin ang mga natitirang load ng aktibong accounts nang walang sapat at balidong rason.
Giit ni De Lima, malinaw na hindi makatarungan sa mga consumers kung may expiration ang paggamit ng load na binili na nila at pagmamay-ari na nila.
Diin ni De Lima, dapat binibigyang-proteksyon ng mga Telecom companies ang karapatan ng mga consumer sa halip na pairalin nila ang pananamantala at panlalamang para magkamal sila ng malaking kita.










