
Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa taumbayan na ipagdasal si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngayong umaga nga ay isinailalim agad sa police custody ang dating pangulo pagkalapag nito sa bansa matapos ang unannounced trip nito sa Hong Kong.
Hiling ni Go sa mga Pilipino na ipagdasal si dating Pangulong Duterte na maayos ang kanyang kalagayan at kalusugan.
Sinabi ni Go na kagabi ay iniinda na ni Duterte ang masakit niyang likod dahilan kaya ang senador at ang personal na doktor ng dating pangulo ay nagtungo kanina sa Terminal 3 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para agad sanang masuri ang kalagayan nito.
Katunayan aniya ay may medical procedure o check-up na gagawin bukas kay Duterte sa Cardinal Santos Hospital.
Magkagayunman, hindi pinapasok ng mga nagbabantay na pulis sina Go at ang doktor sa Terminal 3 para sana ma-check si Duterte.
Ayon pa kay Go, kasama ni dating Pangulo Duterte ngayon ang kanyang common-law-wife na si Honeylet, ang anak na si Kitty, dating Executive Secretary Salvador Medialdea at isang nurse ng dating pangulo.