
Ilang obispo ng Simbahang Katolika ang humamon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na harapin ang pananagutan sa ipinatupad nitong giyera kontra iligal na droga sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Bagaforo, presidente ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP, ang tunay na katarungan ay walang kinikilingan dahil walang sinuman ang nakakahigit sa batas.
Ilang taon na rin daw sinabi ng dating pangulo na handa siyang harapin ang consequence sa mga naging aksyon kaya panahon na upang patunayan niya ito.
Sinabi naman ni San Carlos BIshop Gerardo Alminasa na dapat lang managot ang lahat ng may kaugnayan at sangkot sa war on drugs.
Panawagan naman nila sa pamahalaan, seryosohin ang pagtutok at pagbibigay proteksiyon sa karapatang pantao ng bawat mamamayan at patas na katarungan para sa lahat.