Sunday, June 28, 2026

Grupong BAYAN, may babala sa mga Duterte supporters na lalahok sa White Ribbon March ngayong araw

“You are not welcome here.”

Ito ang bahagi ng pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan sa mga tagasuporta ng mga Duterte na lalahok sa White Ribbon March ngayong araw.

Ayon sa grupong BAYAN, handa silang makipagtulungan sa lahat ng mga naghahanap ng accountability o pananagutan laban sa mga gumagamit ng kanilang kapangyarihan para makapagnakaw.

Bahagi daw sila ng White Ribbon March na nananawagan din na itigil na ang pork barrel system, political dynasty at reporma sa kasalukuyang electoral system.

Umaasa anila ang grupo na mas lalakas pa ang pagkilos na ito ng iba’t ibang samahan, koalisyon at iba pang nagtulong-tulong para tumindig laban sa korapsyon at pag-abuso.

Sa kabila nito, hindi raw sila magpapaapekto sa mga planong i-hijack ang panawagan para sa magandang pamamalakad at gamitin ang pagkilos para linisin ang krimen ng mga kilalalang plunderer at political clans.

Ito ay matapos hikayatin nina dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque at dating Rep. Mike Defensor ang mga Duterte supporters na lumahok sa White Ribbon March mamaya sa EDSA People Power Monument.

Pero sabi ni BAYAN Chairperson Teddy Casiño, bagama’t ipapanawagan dito ang pagpapanagot kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at dating House Speaker Martin Romualdez ay hindi umano nila sasantuhin sa rally ang mga Duterte dahil ipapanawagan din daw nila na panagutin si Vice President Sara Duterte.

Samantala, sa ngayon ay nananatiling maluwag ang daloy ng trapiko sa bahagi ng EDSA Shrine pero may mga naka-deploy nang mga tauhan ng PNP para sa seguridad.

Facebook Comments