
Pinangangambahan ng mga miyembro ng Kapatiran sa Dalawang Gulong o grupong KAGULONG, ang posibilidad na magsara ang Move IT PH at mawalan sila ng hanapbuhay.
Ito ay dahil sa P555.75-million o sa laki ng multa na hinihingi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB mula sa nasabing kumpanya, matapos lumagpas sa itinakdang limitasyon ang kanilang mga rider.
Dagdag pa rito, wala rin umano silang assurance kung makakapaghanap-buhay pa rin sila bilang MC Taxi riders kahit mabayaran ng kumpanya ang nasabing multa, dahil mananatili pa rin naman ang pagpapatupad ng cap sa mga rider sa nasabing platform.
Sa isang press conference na dinaluhan ng iba’t ibang grupo sa sektor ng transportasyon, nanawagan sa gobyerno si Don Pangan, secretary general ng KAGULONG, na tutukan ang labor standards at employment relations ng mga rider sa bawat platform, at silipin din ang ibang Motorcycle Taxi Platform Providers para maging patas sa mga rider.
Samantala, sinabi naman ni MANIBELA Chairman Mar Valbuena sa parehong press conference, na magkakasa sila ng “surprise transport strike”, depende sa magiging tugon ng LTFRB sa nasabing isyu.










