Thursday, October 29, 2026

Permit sa mga tourist spots para sa pagkuha ng larawan gamit ang professional cameras, dapat nang alisin

Iginiit ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na alisin na ang requirement na permit para sa pagkuha ng mga larawan sa mga tourist spots sa buong bansa gamit ang mga professional cameras.

Panawagan ni Chua sa Department of Tourism (DOT) at Department of Interior and Local Government (DILG), makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at sa administrators ng mga pasyalan o mga lugar na dinarayo ng turista para alisin na ang photography permits.

Ayon kay Chua, dapat tularan ang pasya ng Intramuros Administration na hindi na kailangang kumuha ng permit para sa personal at souvenir photography gamit ang professional cameras o kahit anong uri ng camera.

Sabi ni Chua, ang ganitong patakaran ay dapat malinaw na ipaskil sa mga tourist spot at ipaliwanag na mabuti sa mga security guards at tourism personnel para hindi magdulot ng pagkadismaya sa mga turista.

Paliwanag ni Chua, ang ganitong hakbang ay makakatulong sa paghikayat sa mga Pilipino at dayuhang turista na kumuha ng mga larawan sa mga magagandang lugar sa Pilipinas upang ito ay ma-ipromote na makakatulong sa paglakas ng turismo sa ating bansa.

Para kay Chua, ang pagkuha ng permit ay dapat lang ipatupad sa mga malalaking commercial productions o aktibidad lalo na kung may mga kalsadang isasara at may mga malalaking kagamitan na makakahadlang o makakaapekto sa galaw ng publiko.

Facebook Comments