
Ipinasisilip ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa Department of Agriculture (DA) ang nakikita nilang price gap sa pagitan ng farmgate price at retail price sa karneng manok.
Ito’y sa harap na rin ng pansamantalang pagpapahinto ng pagpasok sa bansa ng poultry products mula Brazil dahil sa pagsulpot ng sakit sa hayop doon.
Batay sa price monitoring ng SINAG, ang farmgate price sa manok ay nananatiling mababa sa P90 hanggang P120 bawat kilo, ngunit ang retail price sa merkado ay naglalaro sa P200 hanggang P250 bawat kilo.
Giit ng grupo, dapat ay nasa P180 hanggang P185 per kilo ang retail prices.
Ito’y upang mabigyan ng pagkakataon ang mga tindero na makapagpatong ng P50 hanggang P65 markup upang mabawi ang gastusin sa distribution, logistics at retail holding cost.
Wala namang nakikita ang grupo na kakulangan sa supply kasunod ng import ban sa Brazil.
Nalulungkot ang grupo dahil sa harap ng mataas na presyo ng karneng baboy dahil sa banta ng African Swine Fever, pwede sanang ipampalit muna ng pagkain ang manok bilang source ng protein.
Ngunit hindi ito nangyayari dahil sa mataas na presyo ng retail price ng manok.