Hihigpitan ng Dagupan City Government ang pagpapatupad ng mga regulasyon laban sa mga bar at iba pang establisimyentong patuloy na nag-o-operate nang walang kaukulang business permit at hindi kumpleto ang requirements.
Ito ang sinabi ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez kasunod ng pagkakadiskubre ng Sangguniang Panlungsod na may ilang negosyo sa lungsod na umano’y nakapag-o-operate kahit walang permit.
Ayon kay Fernandez, tinawag na niya ang atensyon ng One Stop Business Center o OSBC kaugnay ng usapin.
Sinabi ng alkalde na may ilang establisimyento ring hindi pa nakasusunod sa requirements ng Bureau of Fire Protection.
Bibigyan umano ang mga ito ng sapat na panahon upang kumpletuhin ang kanilang mga dokumento, ngunit iginiit ni Fernandez na hindi maaaring patuloy na payagang magnegosyo ang mga hindi sumusunod sa regulasyon.
“We will give them enough time, but it’s too much already. They have to comply with the requirements. Kailangan na nilang kumuha ng permit.”
Partikular ding binabantayan ng lokal na pamahalaan ang operasyon ng ilang bar dahil sa posibilidad na makapasok ang mga menor de edad at sa iba pang aktibidad na maaaring lumabag sa mga ordinansa at kondisyon ng kanilang permit.
Ayon kay Fernandez, hinihintay din niya ang magiging aksyon o ordinansa ng Sangguniang Panlungsod upang magkaroon ng mas malinaw at mahigpit na mekanismo sa pagpapatupad ng regulasyon.
Inihalintulad ng alkalde ang posibleng hakbang sa ginawang crackdown ng lungsod laban sa mga Pisonet at iba pang internet-based establishments na nakita nilang maaaring maglantad sa mga menor de edad sa mapanganib o hindi naaangkop na online content.
“Kung ano ang ginawa natin sa Pisonet, gagawin din natin ’yan sa mga bar na hindi sumusunod.”
Binigyang-diin ni Fernandez na hindi lamang usapin ng koleksyon ng business permit fees ang pagpapatupad ng regulasyon, kundi kasama rito ang kaligtasan ng publiko at proteksyon sa mga menor de edad.
Sa ngayon, inaasahang haharap sa mas mahigpit na inspeksyon at compliance checking ang mga establisimyentong walang permit o kulang sa requirements.
Kapag nabigong sumunod matapos ang ibinigay na pagkakataon, sinabi ng alkalde na dapat nang ipatigil ang operasyon ng mga ito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








