
Nasa kabuuang 18,761 na driver at may-ari ng sasakyan ang naaresto ng Land Transportation Office sa CALABARZON sa buong buwan ng Abril dahil sa paglabag sa iba’t ibang mga patakaran sa batas-trapiko.
Sa report ng LTO Calabarzon, kabilang sa mga nahuli sa buong buwan ng Abril ang 8,099 na kaso ng unregistered motor vehicles, 5,045 na hindi gumagamit ng seatbelt habang 61 ang colorum.
Ayon kay LTO Regional Director Elmer Decena, kailangan na ng mas mahigpit pang pagpapatupad ng batas-trapiko upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa mga kalsada.
Una nang inilunsad ni LTO Asec. Vigor Mendoza II ang “stop road crash” campaign para sa road safety kasunod ng direktiba ni Transportation Secretary Vince Dizon upang maprotektahan ang lahat at maiwasan ang mga matitinding aksidente.
Giit ni Asec. Mendoza, ang motor vehicle inspection ay isang mandatoryong kinakailangan sa pagpaparehistro ng mga motor vehicle at isa sa mga pinakamabisang paraan upang masiguro ang roadworthiness ng sasakyan.
Kahapon ay una nang ipinag-utos ni Sec. Dizon ang regular na pagsasailalim sa mandatory drug test sa lahat ng tsuper o nagmamaneho ng pampublikong saskyan sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa mga kalsada.