Umabot na sa 95 porsyento ang mga food handler sa Bugallon na may valid na Health Card, ayon sa Municipal Health Office–Sanitary Inspection Section, bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa kaligtasan ng pagkain at ng publiko.
Ang Health Card na iniisyu ng Department of Health (DOH) ay patunay na ang isang food handler ay sumailalim sa kinakailangang pagsusuri at itinuturing na ligtas sa paghawak at paghahanda ng pagkain.
Ayon sa MHO, nananatili ang mahigpit na monitoring upang matukoy pa ang mga wala pang Health Card at mapataas pa ang antas ng compliance sa buong bayan.
Sa hiwalay na insidente noong Abril, naunang nagsagawa ng surprise inspection ang lokal na pamahalaan sa mga food stall sa Bugallon Public Plaza matapos makatanggap ng mga reklamo ukol sa ilang kakulangan sa sanitation at food safety practices ng ilang manlalako.
Bilang tugon, binigyan ng isang linggong palugit ang mga food stall operators upang ayusin ang kanilang kalinisan at paraan ng paghahanda ng pagkain bago ipatupad ang mas mahigpit na hakbang para sa mga lalabag.
Muling pinaalalahanan ang lahat ng food stall operators na panatilihin ang mataas na antas ng kalinisan at responsableng paghahanda ng pagkain upang maiwasan ang panganib sa kalusugan ng publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣





