Wednesday, May 20, 2026

GSIS artworks at posibleng People Power, dahilan ng NBI deployment noong Senate gun incident — DILG

Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi para kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang deployment ng 29 National Bureau of Investigation (NBI) agents sa GSIS compound noong gabi ng Senate gun-related incident.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na mismong pamunuan ng Government Service Insurance System (GSIS) ang humiling ng seguridad para sa kanilang compound dahil sa pangamba sa posibleng paglawak ng kaguluhan at panawagan ng people power sa paligid ng Senado.

Bukod sa seguridad, sinabi ni Remulla na isa rin sa ikinabahala ng GSIS ang posibilidad na mapinsala ang bilyong pisong halaga ng mga artwork na naka-display sa loob ng kanilang gusali kapag nagkaroon ng paglusob o kaguluhan.

Ipinaliwanag din ni Remulla na libo-libong pulis na ang nakadeploy sa labas ng Senado kaya National Bureau of Investigation (NBI) at hindi Philippine National Police (PNP) ang ipinadala upang magbantay sa GSIS area.

Giit naman ng DILG, walang NBI agents na pumasok sa mismong gusali ng Senado at wala ring konklusyon sa ngayon kung planado o “staged” ang nangyaring insidente.

Facebook Comments