Higit 10 aplikante, hired on the spot sa ikinakasang Mega Job Fair ng PESO Manila katuwang ang DZXL Radyo Trabaho

Umaabot na sa 12 aplikante ang na-hire on the spot sa isinasagawang mega job fair ng Public Employment Service Office (PESO) ng lokal na pamahalaan ng Maynila katuwang ang DZXL 558 Radyo Trabaho ngayong araw.

Partikular na ikinakasa ang naturang mega job fair sa Patricia Sports Complex sa Gagalangin, Tondo, Manila.

Ilan sa kanila ay magsisimula nang magtrahaho bilang clerk, staff, crew, sales assistant at merchandiser.


Isa sa kanila ay si Jeffrey de Leon na natanggap bilang sales distributor kung saan maaari na siyang magsimula sa trabaho sa susunod na linggo.

Hindi na rin mahihirapan pa si Jeffrey dahil may inihanda rin ang Manila LGU ng one-stop-shop para sa requirements tulad ng SSS, BIR, PhilHealth, Pag-ibig at MPD para sa police clearance.

Ang nasabing job fair ay sinimulan kaninang alas-9:00 ng umaga at magtatagal ng hanggang alas-4:00 ng hapon kaya’t may pagkakataon pa para makapunta ang mga naghahanap ng trabaho lalo na’t nasa 12,000 bakanteng trabaho ang iniaalok mula sa 55 kompanya.

Facebook Comments