Pinalalakas ng Department of Health–Ilocos Center for Health Development (Ilocos CHD), National Nutrition Council Regional Office I (NNC RNO1), at pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang pagtutulungan upang maiwasan ang malnutrisyon at pagbagal ng paglaki ng mga bata.
Ito ay kasunod ng paglulunsad ng Addressing Stunting in the Philippines o ASP Project at paglagda sa Memorandum of Understanding para sa pagpapatupad ng limang taong programa.
Pinangungunahan ng Nutrition International ang inisyatiba, sa suporta ng gobyerno ng Canada, na naglalayong matulungan ang mahigit 140,000 buntis at maliliit na bata sa Pangasinan at Mountain Province.
Kinatawan ni Ilocos CHD Regional Director Dr. Helen Tobias ang ahensiya sa nasabing aktibidad, habang pinagtibay naman ni Pangasinan Provincial Administrator Manuel Luis Jr. ang pakikiisa ng lalawigan sa programa.
Nakatuon ang inisyatiba sa pagpapalakas ng mga serbisyong pangnutrisyon sa unang isang libong araw ng buhay ng bata, kabilang ang suplementasyon para sa mga ina, suporta sa pagpapasuso, angkop na pagpapakain sa mga sanggol at bata, at regular na pagsubaybay sa kanilang paglaki.
Sa pamamagitan ng Regional Nutrition Committee Region I, na magsisilbing Technical Advisory Body ng proyekto, tutulong ang Ilocos CHD at NNC RNO1 sa pag-uugnay ng mga programa sa nutrisyon kasama ang mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensiya.
Layunin ng programa na maiwasan ang malnutrisyon, mabawasan ang pagbagal ng paglaki ng mga bata o childhood stunting, at mapabuti ang kalagayan sa kalusugan ng mga pamilyang higit na nangangailangan ng suporta. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










