Aabot sa 225 batang kulang sa nutrisyon mula sa iba’t ibang Child Development Centers (CDC) sa Dagupan City ang makikinabang sa dalawang buwang milk supplementation program matapos tumanggap ang lungsod ng 13,500 lata ng gatas mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bahagi ito ng Supplementary Feeding Program (SFP) na naglalayong mapabuti ang kalagayang pangkalusugan at nutrisyon ng mga batang nasa ilalim ng pangangalaga ng mga Child Development Centers sa lungsod.
Makatatanggap ang mga benepisyaryo mula sa 36 CDC ng regular na milk supplementation sa loob ng 60 araw upang makatulong sa kanilang paglaki at maiwasan ang mga komplikasyong dulot ng malnutrisyon.
Pinangunahan naman ng mga kinatawan ng DSWD ang pagsasalin ng nasabing suplay ng gatas sa pamahalaang lungsod bilang bahagi ng patuloy na pakikipagtulungan ng ahensya sa mga lokal na programa para sa kapakanan ng mga bata.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga opisyal ng City Social Welfare and Development Office, mga focal person ng Supplementary Feeding Program, mga day care teacher, at mga personnel mula sa iba’t ibang Child Development Centers na magsisilbing katuwang sa pagpapatupad ng programa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











