LIBRENG SERBISYONG PANGKALUSUGAN AT GROOMING PARA SA MGA AMA, ISINAGAWA SA DAGUPAN CITY

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Father’s Day, matagumpay na isinagawa ngayong Biyernes ang “ALAGANG AMA: A Father’s Day Health & Wellness Celebration” na naghatid ng iba’t ibang libreng serbisyong pangkalusugan at pangangalaga sa mga ama ng lungsod.

Nakinabang ang mga tatay sa Libreng Medical, Dental, and Laboratory Mission at Good Grooming Program na inihatid ng lokal na pamahalaan.

Sa pakikipagtulungan ng City Health Office (CHO) at City Population and Development Office, nabigyan ang mga kalahok ng iba’t ibang serbisyong medikal kabilang ang general medical consultation, blood pressure monitoring, dental cleaning at extraction, oral hygiene education, at mga laboratory test gaya ng blood sugar, cholesterol, uric acid, at Complete Blood Count (CBC). Nagsagawa rin ng prostate cancer screening para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Bukod sa mga serbisyong pangkalusugan, nagkaroon din ng Good Grooming Program kung saan nakatanggap ang mga ama ng libreng gupit at iba pang basic grooming services. Nagbigay rin ng mga payo hinggil sa wastong kalinisan at pangangalaga sa sarili, habang namahagi ng libreng grooming kits na naglalaman ng sabon, shampoo, razor, at iba pang hygiene essentials.

Naging bahagi rin ng programa ang mga makabuluhang talakayan tungkol sa prostate cancer awareness, masamang epekto ng paninigarilyo, vape, alak at substance abuse, mental health awareness, at SafeNet upang higit na mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok ukol sa kalusugan at kapakanan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments