HIGIT 200 LIKHANG-SINING, TAMPOK SA ‘ART FOR EVERYONE’ EXHIBIT SA SM CENTER DAGUPAN

Opisyal nang binuksan sa publiko ang Art for Everyone exhibit sa SM Center Dagupan, na nagtatampok ng mahigit 200 likhang-sining mula sa 70 visual artists ng iba’t ibang bayan at lungsod sa Pangasinan.

Layunin ng eksibisyon na maipakita ang husay at pagkamalikhain ng mga lokal na artist, maisulong ang sining bilang kabuhayan, at mabigyan ang publiko ng pagkakataong suportahan ang kanilang mga obra.

Ayon kay SM Center Dagupan Mall Manager Eileen Delos Santos, bahagi ito ng patuloy na adbokasiya ng SM na mabigyan ng mas malawak na plataporma ang mga regional artists upang maipakita ang kanilang talento at maipakilala ang kanilang mga likhang-sining sa mas maraming mamimili at art enthusiasts.

Isa sa mga tampok na kalahok si Dr. Ann Theresa Bolos, isang dentista at self-taught artist na kilala sa mga obrang hango sa kalikasan, kababaihan, at abstract expressionism. Ayon sa kanya, parehong anyo ng pagmamalasakit at pagpapahayag ang dentistry at sining.

Kabilang din sa mga artist si Alvin John R. Cerezo ng San Jacinto, Pangasinan, isang freelance muralist na nagsabing ang kanyang anak ang nagsilbing inspirasyon upang higit pang pagbutihin at ipagpatuloy ang kanyang hilig sa visual arts.

Samantala, pinatunayan naman ng pitong taong gulang na si Marklie Jharene Orara Teja ng Bani, Pangasinan na walang pinipiling edad ang sining. Sa murang edad, patuloy na niyang naipapamalas ang kanyang talento sa pagguhit at pagpipinta.

Bukas sa publiko ang Art for Everyone exhibit sa SM Center Dagupan hanggang Hulyo 24, kung saan maaaring makita at mabili ang iba’t ibang obra ng mga lokal na visual artist ng Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments