UMANO’Y ONLINE THREAT SA ISANG PAARALAN SA MANAOAG, INIIMBESTIGAHAN

Tinututukan ngayon ng Manaoag Police Station, katuwang ang Anti-Cybercrime units, ang imbestigasyon sa pinagmulan ng isang Facebook post na naglalaman ng hindi pa beripikadong banta ng pamamaril sa isang paaralang tinukoy lamang na, “MNHS.”

‎Ayon sa pulisya, seryosong usapin ang pagpapakalat ng mga online threat dahil maaari itong magdulot ng takot, pagkaantala sa operasyon ng mga paaralan, at panganib sa publiko.

‎Binigyang-diin din ng mga awtoridad na may kaakibat na pananagutang kriminal ang sinumang mapatutunayang nasa likod ng paggawa at pagpapalaganap ng mga ganitong uri ng maling impormasyon.

‎Kasunod ng pagkalat ng naturang post, pansamantalang sinuspinde ang klase sa Manaoag National High School bilang pag-iingat.

‎Agad ding nagsagawa ng security assessment ang pulisya at nagtalaga ng karagdagang mga pulis sa loob at paligid ng paaralan.

‎Nakiisa rin ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa pagpapatupad ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at kawani.

‎Ayon naman sa pamunuan ng paaralan sa pangunguna ni Dr. Daisy S. Mayola, mabilis silang nakipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya sa sandaling lumabas ang social media post.

‎Sa isinagawang pagberipika ng awtoridad ay wala namang naitalang insidente o nasaktan. Wala ring mapanganib na armas sa loob ng paaralan.

‎Sa kabila nito, nananatiling nakaalerto ang mga awtoridad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments