Arestado ang isang hinihinalang high-value target (HVT) sa ilegal na droga matapos makumpiskahan ng tinatayang 55 gramo ng pinaghihinalaang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Rizal, Cabugao, Ilocos Sur noong Hulyo 19.
Kinilala ang suspek bilang isang 45 anyos na construction worker.
Ayon sa mga awtoridad, nakumpiska sa suspek ang kabuuang 55 gramo ng pinaghihinalaang shabu, kung saan 10 gramo ang naibenta sa poseur-buyer at 45 gramo ang narekober mula sa kaniyang pag-iingat. Tinatayang nagkakahalaga ang mga nasamsam na ilegal na droga ng P374,000 batay sa pagtataya ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Bukod sa mga pinaghihinalaang shabu, nasamsam din ang buy-bust money, isang motorsiklo, at isang cellular phone na umano’y ginagamit sa mga transaksiyon.
Ayon kay PDEA Regional Office 1 Director Julius M. Paderes, malaking dagok ang operasyon sa lokal na kalakalan ng ilegal na droga sa Ilocos Sur. Aniya, ang pagkakasamsam ng malaking dami ng shabu ay nakapigil sa posibleng daan-daang bentahan ng ilegal na droga.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










