Wednesday, October 7, 2026

Subpoena mula sa House Justice Committee, natanggap na ni Trillanes at AMLC

Natanggap na ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang subpoena mula sa House Committee on Justice na nag-aatas sa kanya na humarap sa impeachment hearing bukas laban kay Sara Duterte.

Pinapasumite kay Trillanes ang original o certified true copies ng mga dokumento kaugnay ng alegasyong nakapaloob sa impeachment complaint, kabilang ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman na hindi idineklara sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise presidente.

Inaasahan din na magbibigay siya ng testimonya hinggil sa mga sinasabing joint accounts nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara na nagkakahalaga umano ng daan-daang milyong piso.

Samantala, natanggap din ng Anti-Money Laundering Council ang subpoena mula sa komite.
Inaatasan si AMLC Chairman Eli Remolona Jr. na humarap sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings at magsumite ng mga dokumento at ulat kaugnay ng mga kahina-hinalang transaksyon nina VP Duterte at asawa nitong si Atty. Manases Carpio.

Facebook Comments