Thursday, June 11, 2026

Higit 8K PNP personnel, ide-deploy sa Metro Manila bukas para sa Araw ng Kalayaan

All set na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa ipatutupad na security measures sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan bukas.

Ayon kay NCRPO Regional Director Police Major General Anthony Aberin, kabuuang 8,011 na pulis ang ide-deploy sa buong Metro Manila upang matiyak ang ligtas, maayos, at mapayapang pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa June 12, 2026.

Magbibigay ang mga ito ng seguridad sa mga pangunahing venue ng pagdiriwang, matataong lugar, transport hubs, at mga pangunahing lansangan.

Tiniyak ng NCRPO na paiigtingin ang police visibility, traffic management operations, crowd monitoring, at ang mabilis na pagtugon sa anumang insidente.

Pinalakas din ang koordinasyon nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mga lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya ng gobyerno.

Inihanda rin ng NCRPO ang command-and-control systems at mga emergency response assets upang matiyak ang agarang pagresponde kung kinakailangan.

Hinimok naman ng NCRPO ang publiko na manatiling mapagmatyag, sundin ang mga security at traffic advisories, at agad na iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang matiyak ang ligtas at makabuluhang pagdiriwang ng Independence Day.

Facebook Comments